Nangamba ang ilang residente matapos nilang matuklasan ang isang dambuhalang sawa na nakalambitin sa puno ng acacia sa San Fernando, La Union.
Sa ulat ni Claire Lacanilao Dungca ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Martes, sinabi ng kumuha ng video na si Roderick Rollo na agad nila itong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad matapos mapansin ang sawa.
Natuklasang isa itong reticulated python na may habang 3.5 metro.
Sinabi ng mga awtoridad na maaaring nagmula sa bukid ang sawa at nagambala ng pag-ulan kaya ito nagtungo sa puno.
Posible rin umanong naghahanap ng pagkain ang sawa, na naihabilin na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News