Nauwi sa barilan na ikinasawi ng dalawang pulis at isang abogado ang pagtatanong lang sana tungkol sa ibinebentang lote sa isang subdibisyon sa Tagaytay City.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente nitong Linggo sa isang subdibisyon sa Barangay Maitim Dos Central.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kasama ng dalawang pulis na kaka-graduate lang sa National Police College, ang isang babae na sinasabing may hawak ng titulo, at dalawang ahente ng lupa.
Gayunman, sa umpisa pa lang ay sinita na umano ng security guard ng subdibisyon ang grupo ng dalawang pulis hanggang sa dumating ang isang abogado na sakay ng SUV, na may kasamang dalawang lalaki.
Ayon Police Lieutenant Colonel Joven Bahil, OIC, Tagaytay City Police, nagpumilit ang dalawang pulis na pumasok dahil sa sinasabing kasama naman nila ang may hawak ng titulo ng lupa na kanilang titingnan.
Batay umano sa kuwento ng babae na kasama ng dalawang pulis, kaagad na nagbitiw ng masasamang salita ang abogado at binaril umano nito sa hita ang isang pulis.
Dito na nagsimula ang engkuwentro at kasama umanong nagpaputok ng baril ang guwardiya at ang isa sa dalawang lalaki na kasama ng abogado.
Kaagad na nasawi sa barilan ang isang pulis, habang dead on arrival sa ospital ang isa pang pulis at ang abogado.
Inaresto naman ang guwardiya at ang kasama ng abogado.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.--FRJ, GMA Integrated News