QUEZON - Binaha ang ilang lugar sa mga lalawigan ng Quezon at Camarines Norte nitong Lunes dahil sa malakas na ulan na dulot ng Bagyong Enteng (international name: Yagi).
Partikular na apektado ang mga bayan ng Tagkawayan, Calauag, Lopez, Gumaca at Atimonan sa Quezon.
Abot leeg at sa iba naman ay abot dibdib at bewang ang taas ng baha sa bayan ng Lopez.
Binaha ang mga barangay ng Gomez, Magsaysay, Bocboc at Rizal.
Gumamit na ng tali ang mga residente sa paglikas dahil rumaragasa ang tubig.
Siyam na pamilya ang lumikas sa Barangay Magsaysay at tumuloy sa evacuation center.
May mga inilikas rin sa ibang barangay.
Sa mga oras na ito ay unti-unti nang gumaganda ang panahon. Pababa na rin ang tubig baha.
Binaha rin ang ilang lugar sa bayan ng Pitogo.
Pahirapan na sa pagdaan ang maliliit na sasakyan sa highway sa Pitogo.
Lubog na sa baha ang kahabaan ng highway na patungo sa Bondoc Peninsula.
Sa bayan ng Alabat, malalaking alon ang humampas sa baybayin
Ilang bangka ang nasira dahil hindi naitabi bago pa manalasa ang bagyo.
Sa bayan ng Tagkawayan, ilang puno na ang nabuwal sa kahabaan ng Quirino Highway. Nagdulot ito ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko.
Isang motorista na may dalang itak ang matiyagang pumutol sa malaking sanga ng puno na nakaharang sa highway upang makadaan ang mga sasakyan.
Naka-monitor ang mga local Disaster Risk Reduction Management Council sa mga bayan at sa probinsiya. Binabantayan din nila ang mga lugar na prone sa pagbaha at landslide.
Camarines Norte
Samantala, hindi na madaanan ang Maharlika Highway sa Daguit, Labo, Camarines Norte dahil rin sa pagbaha.
Walang pasok
Suspendido ang trabaho sa mga pampubliko at pribadong tanggapan sa mga lalawigan ng Quezon at Camarines Norte ngayong Lunes, Setyembre 2, dahil sa epekto ng Bagyong Enteng.
Ang mga tanggapan ng opisina na nagbibigay ng health care services, maintenance of peace and order at disaster response ay tuloy pa rin ang trabaho.
Pati mga klase sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong mga paaralan ay sinuspinde ng mga awtoridad.
Isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 nitong Lunes ng umaga ang Polillo Island sa Quezon at ang hilagang bahagi ng Camarines Norte (Santa Elena, Capalonga, Jose Panganiban, Paracale, Vinzons).
Ang nalalabing bahagi ng Quezon at Camarines Norte naman ay isinailalim sa TCWS No. 1 nitong Lunes ng umaga. —KG, GMA Integrated News