Dinakip sa isang convention sa Nueva Vizcaya ang isang lalaking nagpakilalang Deputy Executive Secretary for Legal Affairs ng Office of the President, matapos mapag-alamang wala siyang tunay na kaugnayan sa Malacañang.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang lalaki na todo-kaway pa sa mahigit 100 lider ng indigenous peoples (IP) sa naturang pagtitipon.
Hindi alam ng lalaki na nakakalat na sa venue ang mga tauhan ng NBI Bayombong at NBI Special Task Force.
Kinausap ang lalaki sa isang lugar sa venue, hanggang sa makumpirma ng mga awtoridad ang kanilang impormasyon at isinagawa na nila ang pagdakip sa suspek.
Nakuha umano sa kaniyang mesa ang designation na "Head, Deputy Executive Secretary For Legal Affairs - Office of the President."
"Nag-issue ang Executive Secretary of Office of the President ng negative certification that 'yung taong subject natin is not related or connected to the Office of the President," sabi ng agent on case ng NBI Special Task Force.
Dagdag pa ng NBI, matagal na umanong nagpapakilala na taga-Malacañang ang suspek sa mga sulat niya at isinusulong na proyekto.
"Nire-review daw niya 'yung requirements, siya ang magpapasa mismo roon sa Office of the President. Ang violation niya is under the circumstances is Article 177 sa Revised Penal Code which is 'yung usurpation of authority," sabi pa ng agent on case.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makunan ng panig ang suspek, na nakabilanggo na sa NBI Detention Facility sa Bilibid.
Nagpadala na rin ang GMA Integrated News ng mensahe sa Malacañang para sa kanilang reaksyon at hinihintay ang tugon nito. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News