Dinakip ang number one most wanted ng Calabarzon na nahaharap kasong pagpatay at sangkot din umano sa droga sa Angono, Rizal. Depensa ng suspek, kapangalan lamang niya ang tunay na namaril sa biktima.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Biyernes, sinabing nadakip ng Angono Police ang 42-anyos na lalaki sa Baytown Road nitong Miyerkoles sa bisa ng arrest warrant.
Kinilala ang suspek na si alyas “Mel.”
“He was involved in cases of illegal drugs in 2020. Then last year, 2023, he was involved in a shooting incident, napatay niya ‘yung isang guwardiya gamit ang isang baril,” sabi ni Police Colonel Felipe Maraggun, director ng Rizal Provincial Police Office.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang pamamaril sa inuman noong nakaraang taon. Itinanggi ng akusado ang paratang sa kaniya.
“Kasi po ako po hindi tumitikim ng alak, ako hindi nag-iinom,” sabi ng suspek, na iginiit na kapangalan lang niya ang totoong namaril.
“Sumama po ko sa kanila para malinis ang aking pangalan, hindi po para magtago o manlaban sa kanila tungkol sa kasong hinaharap sa akin,” aniya.
Nakuha rin mula sa suspek ang tatlong pakete ng hinihinalang shabu matapos siyang dakipin. Umamin siya sa paggamit ng iligal na droga.
Nakakulong ang suspek sa custodial facility ng Angono Municipal Police Station at nahaharap sa kasong murder at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sasampahan din siya ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News