Patay ang isang lalaki matapos na pagbabarilin habang kumakain sa isang restaurant sa Sariaya, Quezon.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen nitong Martes ng gabi.
Ayon sa pulisya, apat na tama ng bala ng baril sa likod ang tumapos sa buhay ng biktima.
Tumanggi muna ang pulisya na ihayag ang posibleng motibo sa krimen habang patuloy ang imbestigasyon.
"Sa ngayon po patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon. As to the motive, hindi pa rin po kami pwede mag-reveal lalo sa on-air kasi baka makaapekto sa ginagawang imbestigasyon ng kapulisan," paliwanag ni Police Lieutenant Romel De Guzman, Chief Investigator sa Sariaya Police Station.
Tumakbo lang umano ang mga suspek matapos barilin ang biktima.
"Dine-determine pa po natin kung sila ay may mga getaway vehicle na medyo malayo sa pinangyarihan. Ongoing ang investigation sa testigo at family ng biktima at meron silang sinasabing motibo behind the incident," dagdag ni De Guzman.
Wala naman umanong nababanggit ang biktima sa kanilang pamilya kung may nakaalitan siya. --FRJ, GMA Integrated News