Nakaranas ng panghihina, pagkahilo at kawalan ng malay umano ang ilang estudyante sa isang eskuwelahan sa Bulan, Sorsogon. Hinala ng mga awtoridad, dahil ito sa panic attack na bunga ng hindi sapat na nutrisyon.

Sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang pagkakagulo ng mga mag-aaral at mga guro dahil sa insidente.

Sa isa pang video, mapanonood ang pagdating ng rescue dahil sa isang mag-aaral na sumisigaw.

Idinaos din ang isang Misa sa eskuwelahan.

Sinabi ng principal ng paaralan na tatlong linggo nang nangyayari sa lugar ang insidente at binigyan na nila ito ng atensiyon.

Matapos ipasuri sa ospital ang unang mag-aaral, lumalabas na nakaranas umano siya ng panic attack.

Ito rin ang resulta ng pagsusuri ng kanilang school nurse, ngunit napag-alaman ding kulang ang kinaing almusal ng mga mag-aaral.

Napag-alamang ilang kabataan ang tumatawid pa ng bundok kaya sila nawawalan ng lakas, habang nagtatrabaho naman ang iba sa gabi.

Napag-alamang wala ring canteen ang paaralan.

β€œIn-advise na lang namin ang mga magulang na kung maaari, pakainin nang maayos ang mga bata bago pumasok ng paaralan at magdala ng sarili nilang mga pagkain para hindi nagugutom sa loob ng classroom,” sabi ng principal.

Nanawagan na ang ilang guro na magkaroon na ng canteen sa kanilang paaralan.

Sinisikap pa rin ng GMA Integrated News na makuha ang reaksyon ng DepEd tungkol sa insidente. β€” Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News