Isang lalaki na nangholdap umano ng dalawang lending collector sa Malaybalay City, Bukidnon ang nasawi matapos siyang mabangga ng isang bus habang papatakas sakay ng motorsiklo.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabi ng pulisya na tinangay ng suspek ang bag ng mga biktima na may pera at ang motorsiklo ng mga ito.

Pero sa pamamadali umano ng suspek na makalayo, nabangga siya ng bus at pumailalim nang tumawid ng kalsada," ayon kay Police Major Joann Navarro, tagapagsalita ng Police Regional Office-Northern Mindanao (PRO-10).

Idineklarang dead upon arrival sa ospital ang suspek.

Nakuha sa kaniya ang isang baril na kalibre .45 at ang bag ng mga biktima.

“Automatically, ma-extinguish na ang kaniyang criminal liability dahil namatay naman siya,” ayon kay Navarro. -- FRJ, GMA Integrated News