Nahuli-cam sa Taytay, Rizal ang pananaksak ng isang 18-anyos na babae sa isang lalaking 10-taong-gulang. Ang biktima, nagtamo ng 22 saksak na inatake ng biktima mula sa likuran.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Martes, mapanonood sa kuha ng CCTV ang babae na tila nakatambay sa Adhika Street sa Barangay Dolores mag-11 a.m. nitong Lunes na may hawak na patalim.

Ilang saglit lang, naglakad-lakad ang babae at umupo sa likod ng nakaparadang tricycle, bago bumalik sa inuupuan niya sa gilid ng kalsada.

Nang dumaan at makalampas sa kaniya ang batang biktima, bigla na lang niya itong pinagsasaksak mula sa likuran.

Nang tumigil ang babae sa pagsaksak, tumayo siya at naglakad, at itinuro sa mga taong nakakita ang nakahandusay na biktima.

Napatakbo naman ang ina ng bata at binuhat ang duguang anak para madala sa pagamutan.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng 22 saksak ang biktima, na himalang nakaligtas at nagpapagaling ngayon sa isang ospital sa Taytay.

“Bigla na lang nanaksak itong suspek sa isang walang kalaban-labang biktima. Ginamit ‘yung puwersa niya laban du’n sa bata using a bladed weapon, more or less six inches in length,” sabi ni Police Colonel Felipe Marggun, Provincial Director ng Rizal PPO.

Ayon sa ama ng biktima, pauwi na galing sa paaralan ang anak nang mangyari ang krimen.

“Sobrang galit po, blangko po ang isip ko. Siyempre bilang isang magulang masakit ‘yung nakikita mo na ginagawa sa anak mo, tagos sa puso mo ‘yung kirot at sakit,” sabi ni Roland Rosas, ama ng biktima.

Naaresto naman ang suspek na hindi umano makausap nang maayos, ayon kay Marggun.

“Masasabi natin parang wala siya sa sarili. And nu’ng ini-interview siya ng aming investigator, ay paiba-iba ‘yung sinasabi at hindi klaro. So there's something about the mindset ng ating suspek,” sabi ni Marggun.

Maaga umanong nawalan ng mga magulang ang suspek kaya tinitingnan ng pulisya ang anggulo na inggit.

“Iniwan po kasi nila ako simula bata pa. Dahil po sa selos po. Hindi ko naman po kasalanan kung bakit ako ang ina-ano nila,” sabi ng suspek.

Nakadetene sa custodial facility ng Taytay Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News