SARIAYA, Quezon - Pito ang napaulat na nasawi sa nangyaring salpukan ng isang van at isang truck sa Maharlika Highway, Sto. Cristo, Sariaya, Quezon nitong Linggo ng umaga.
Nangyari ang aksidente dakong 5:50 ng umaga kanina.
Ayon sa report ng Sariaya Municipal Police Station, patungo sa direksyon ng Maynila ang van habang patungo naman sa Bicol ang truck.
Sa tindi ng salpukan ay nawasak ang van.
Naging pahirapan ang ginawang pag-rescue sa mga pasahero ng van.
Ang mga sugatan ay isinugod sa pagamutan sa Candelaria, Quezon.
Nagdulot ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang aksidente.
Ligtas naman ang driver at pahinante ng truck.
Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Sariaya Municipal Police Station.
Inaalam pa ng pulisya kung colorum ang nasabing van o ito ay namamasada.
Sa paunang imbestigasyon ay napag-alamang nakatulog ang driver ng van, dahilan para sumalpok sa kasalubong na truck.
Sa corrected police spot report na inilabas ng Sariaya Municipal Police Station ay sinasabi na 14 ang bilang ng mga sakay ng pampasaherong van na nakasalpukan ng delivery truck van.
Pito sa mga ito ang nasawi at pito ang kritikal na maluhang nasugatan. Unang naiulat na walo ang namatay sa aksidente.
Ang mga sugatan ay ginagamot sa magkakahiwalay na pagamutan sa Quezon province.
Sugatan rin ang driver at pahinante ng delivery truck van.
Lumalabas sa imbestigasyon na sumalubong sa linya ng kasalubong na delivery truck van ang passenger van na naging dahilan ng matinding salpukan. Posibleng nakatulog raw ang driver nito.—KG/RF, GMA Integrated News