Nasawi ang isang batang lalaki na dalawang-taong-gulang matapos mahulog sa mainit na sabaw ng batchoy sa Carles, Iloilo.
Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa ng GMA Regional TV sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabi ng ina ng bata na nagtitinda siya ng pagkain noong August 8, nang hindi niya namalayan ang anak na naglalaro sa kaniyang likod.
Nagulat na lang siya nang mahulog ang anak sa kaldero na nasa sahig.
“Nabigla ako na bumagsak siya. Nakita ko siya nakaupo na sa (sa loob) ng kaldero na may sabaw. Kaagad ko siyang binuhat at humingi ng tulong," ayon kay Jeanette Gallardo.
Bagaman hindi na kumukulo ang sabaw, mainit pa rin umano ito kaya nagtamo ng fourth degree burns ang bata.
Dinala ang bata sa ospital pero binawian ng buhay noong August 13.
Bukod sa pagdadalamhati sa pagpanaw ng anak, nakadagdag din ng sakit sa kalooban ng ina ang mga komento umano sa kaniya ng netizens na pinabayaan niya ang kaniyang anak.
“Marami ang nagko-comment na pinabayaan ko raw ang anak ko at isinilid ko sa kaldero. Diyos ko, tumutulo ang luha ko sa mga comment ng tao," ani Gallardo. --FRJ, GMA Integrated News