Biyaya man na itinuturing ang pagdagsa ng mga nahuhuling isdang tamban sa karagatang ng Concepcion, Iloilo, may kaakibat din itong negatibong epekto pagdating sa kita ng mga mangingisda.
Sa ulat ni Zen Quilantang-Sasa ng GMA Regional TV sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nalululugi ang ilang mangingisda dahil bumababa ang presyo ng tamban at hindi na nabibili ang ibang huli dahil sa dami ng isda.
Nitong nakalipas na mga araw, umaabot umano sa limang tonelada ang nahuhuling tamban ng mga mangingisda na dinadala sa fish port ng Concepcion.
Mula sa dating bentahan ng tamban sa fish port na P500 bawat banyera, bumabagsak ito sa pinakamababang P50 bawat banyera dahil sa dami ng huli.
"Hindi maubos sa P300, mag-down sa P200. Minsan P100 na lang, kung minsan may P50 na lang talaga per banyera," ayon kay Gilbert Francisco, head ng Local Economic Enterprise Office ng Concepcion LGU.
Pero hanggang apat na tonelada lang umano kadalasang naibebenta kaya may pagkakataon na ipinamimigay na lang ang ibang natirang isda, o kaya naman ay itinatapon sa dagat para makain ng ibang lamang-dagat gaya ng ibang uri ng isda at mga alimango.
Batay sa impormasyon na natanggap ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), halos isang linggo na ang pagdagsa ng isang tamban sa Concepcion.
Tinitingnan kung epekto ito ng closed season na ipinatupad sa Visayan Sea para tamban noong Nobyembre 2023 hanggang Marso 2024.
Ipinatutupad ang closed season upang mabigyan ng pagkakataon ang populasyon ng mga isda na makabawi at makapagparami.
Isa rin sa mga pinaniniwalaang dahilan ng dami ng suplay ng isda maraming marine protected areas sa Iloilo.-- FRJ, GMA Integrated News