Patay ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin sa loob ng barangay hall sa Barangay Lacquios sa Arayat, Pampanga.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, ipinakita ang kuha sa closed circuit television (CCTV) camera sa nangyaring pagtake sa barangay hall dakong 8pm noong Linggo.
Sa CCTV footage, isang itim na sasakyan ang tumigil sa labas ng barangay hall, at ilang armadong lalaki ang lumabas at nagpaputok ng baril.
Tumakas ang mga salari nang gumanti ng putok ang mga bodyguard ng napaslang na punong barangay na si Mel Lumbang.
"Aalamin din natin iyan kung ma-identify ‘yung mga nakita natin sa footage na tatlong armadong lalaki na pumutok din po," ayon kay Police Colonel Jean Fajardo, Philippine National Police (PNP) spokesperson.
"Kailangan nating malaman, at kailangan din po nating makuha, ang mga baril na kanilang ginamit; at tingnan natin kung sila ba ay awtorisado, [kung] may permit to own, use, possess firearms, as well as permit to carry firearms outside their residence," dagdag pa niya.
Aalamin kung may kaugnayan sa trabaho o ang pagiging dating miyembro niya ng New Peoples Army, ang posibleng motibo sa krimen.
Nakulong si Lumbang noong early 2000 sa kasong murder at frustrated murder at nakalaya matapos ang 16 taon, hanggang manalong punong barangay.
“Hindi natin dini-discount ‘yung possibility na itong pagpatay sa kanya ay may kinalaman sa kanyang trabaho bilang barangay captain. [At] ‘Yung dati niyang background inaalam na din natin," ayon kay Fajardo.
Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) Lumbang para tutukan ang kaso. Sinisikap pang makuha ang pahayag ng pamilya ng biktima.-- FRJ, GMA Integrated News