Nauwi sa trahedya ang pagsilbi ng arrest warrant nitong Linggo ng madaling araw sa sinasabing kasabwat ng gunman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Ang mismong sinasabing kasabwat, unang kinilala bilang alias Orly, ay namatay matapos niyang barilin ang kanyang sarili sa gitna ng police raid sa kanyang nirerentahang kuwarto kasama ang kanyang pamilya sa Lipa City, Batangas.
Ayon sa pulisya, si alias Orly umano ang kausap ng sumukong gunman na si Joel Escorial sa pagpaplano at pagpatay kay Lapid.
Sa gitna ng raid, pinaputukan ng mga operatiba si alias Orly na nagkulong sa kanyang kuwarto.
Sa huli ay nagpunta sa banyo si alias Orly at nagbaril sa sarili.
Kinilala ng Philippine National Police si alias Orly bilang si Jake Mendoza, 40-anyos, na dati nang naaresto noong Nobyembre 2020 at nakulong dahil sa ilegal na droga.
Ayon kay Police Major General Jose Melencio Nartetz Jr., director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), nagsagawa ng manhunt operation ang pulisya nung nakalipas na anim na buwan matapos makakuha ng impormasyon.
“Nung sine-serve natin ang warrant of arrest, dahil alam nating armed and dangerous siya (Mendoza), we employed 'yung SWAT ng CALABARZON. Hindi siya sumuko,” saad ni Nartetz sa Super Radyo DzBB interview.
“In fact, hinostage niya ang kanyang live-in partner at kanyang anak,” dagdag ni Nertetz.
Aniya makatutulong sana ang testimonya ni Mendoza sa pag-usad ng kaso.Namatay si Lapid noong Oktubre 2022 matapos siyang pagbabarilin ng dalawang salarin sa Las Piñas City.
Ayon sa pulisya, papasok sa isang subdivision si Lapid dakong 8:30 p.m. sa Aria Street sa Barangay Talon Dos nang pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Hinatulan nitong Mayo 2024 ng isang korte sa Las Piñas ang self-confessed gunman na si Joel Escorial na makulong ng hanggang 16 na taon dahil sa krimen. —With a report from Mariel Celine Serquiña, KG/RF, GMA Integrated News