Karumal-dumal ang ginawang pamamaslang sa dalawang babae, nang magkalat ang kanilang dugo sa kanilang condominium unit matapos silang pagsasaksakin sa Imus, Cavite. Ang isa sa mga suspek, ang babaeng live-in partner ng isa sa mga biktima.

Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing tumambad ang mga duguang bangkay ng mga biktimang sina Aldena Popelo, 44-anyos, at Kerby Salvador, 19-anyos, matapos buksan ang condo unit noong Agosto 8.

Kumalat pa ang dugo ng mga biktima sa ilang bahagi ng unit.

Natagpuan din ang isang icepick sa crime scene, na posibleng ginamit sa krimen.

Nakunan sa CCTV ang dalawang suspek na pumasok sa condo unit pasado 10 p.m. noong Agosto 7.

Nakapasok na ang isa sa kanila, na nakasuot ng pula. Pagkalabas niya, pinatay niya ang ilaw sa hallway.

Paglabas ng dalawa ng mag-11 p.m., dumiretso sa pag-alis ang isa habang nagpunas pa ng sahig ang nakapulang suspek bago sumunod.

Ilang kapitbahay ng unit ang nakatuklas sa krimen, kaya tumawag sila sa Imus City Police kinabukasan ng umaga.

Dumating din ang kapatid na nakatira sa unit.

Lumalabas na ang nakapulang suspek ay ang babaeng live-in partner ni Popelo.

Tinutugis na ang live-in partner ng biktima, at inaalam na ang pagkakakilanlan ng isa pang suspek at ang motibo sa krimen. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News