Lima ang patay--kabilang ang dalawang babae--nang salpukin ng isang pickup truck ang isang motorsiklo at isang mini-dump truck sa Davao Occidental. Ang driver umano ng pickup truck, nakainom at birthday nang mangyari ang insidente.

Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing nangyari ang trahediya sa national highway sa bahagi ng Barangay Basiawan sa bayan ng Sta. Maria nitong Miyerkules ng hapon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis umano ang takbo ng pickup truck hanggang sa mabangga nito sa pakurbang bahagi ng daan ang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang babae, at ang mini-dump truck na sinasakyan ng tatlo pang nasawi.

Sugatan din ang driver ng pickup truck na naka-hospital arrest. Sinampahan siya ng mga reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to properties.

Wala pang pahayag ang naturang driver, na sumailalim din umano sa operasyon.

"Itong si driver ng pickup [truck] is birthday niya noong araw na 'yon, so lasing na lasing yung suspek. Approaching kurbada, parang nakatulog yata yung driver, yung estimate natin na speed is nasa 120Kph pataas," ayon kay Police Major Ian Marc Polestico hepe ng Sta Maria MPS.--FRJ, GMA Integrated News