Nagulantang ang mga residente sa isang barangay sa Burgos, Pangasinan nang makita nila ang putol na kalahating katawan ng tao na nakapatong sa batuhan habang hinahampas ng malakas na alon.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nakita ang putol na katawan na mula sa baywang pababa sa Barangay Ilio-Ilio noong Linggo, Agosto 4.
Ayon sa pulisya, lalaki ang nakitang putol na katawan na nakasuot ng asul na pantalon at sinturon na kulay berde.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nakilala ang biktima na residente mula sa Sual, Pangasinan na ilang araw nang nawawala.
Nakilala ang katawan dahil sa kaniyang sinturon na regalo umano ng anak.
Patuloy pa ang imbestigasyon para malaman kung ano ang nangyari sa kaniya at kung nasaan ang iba pang parte ng kaniyang katawan.
“Ongoing pa ang ating investigation as of today. Wala silang parang alam na motibo ng pagkawala niya at kung anong nangyari sa kaniya,” ayon kay Police Lieutenant Reggie Fernandez, deputy chief ng Burgos Police Station.-- FRJ, GMA Integrated News