Namatay ang magkapatid na edad pito at 11 matapos silang pagtatagain ng sarili nilang ama sa Iba, Zambales. Ang ginang na sugatan din, ipinagtataka kung bakit bigla na lang nanaga ang kaniyang mister matapos na magising.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa loob ng bahay ng pamilya noong madaling araw ng July 26.

Ayon sa ina ng magkapatid na si Mary Jane Mercado, nagising ang kanilang padre de pamilya at basta na lang kumuha ng itak at pinagtataga sila.

Inawat daw ni Mercado ang kaniyang mister pero tinaga rin siya. Sugatan din ang isa pa nilang anak.

"Masakit, bilang isang ina. Hindi katanggap-tanggap ang ginawa niya sa amin... ako kritikal ang kondisyon ko [sa] isang taga lang, pero sagad sa utak ng mga bata ['yung tinamo nila],” ayon sa ginang.

Labis na ipinagtataka ni Mercado ang ginawa ng kaniyang asawa na hindi naman daw lasing at hindi rin gumagamit ng ilegal na droga.

Kinumpirma naman ng pulisya na negatibo sa ilegal na droga ang suspek na naaresto matapos na isugod niya mismo sa ospital ang sugatang si Mercado.

Hindi pa umano makausap ng mga awtoridad ang suspek kaya hindi pa malaman ang dahilan kung bakit nito nagawa ang karumal-dumal na krimen. --FRJ, GMA Integrated News.