Nasawi ang isang lalaking motorcycle rider matapos siyang bumangga sa isang paso sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Claire Lacanilao-Dungca ng GMA Regional TV, mapapanood sa isang cellphone video ang nakahandusay na biktima sa bahagi ng Barangay Guiguilonen, madaling araw ng Lunes, Hulyo 29.

Nagtamo ng sugat sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ang lalaki matapos sumalpok umano sa paso ang kaniyang motorsiklo.

Naisugod pa sa ospital ang biktima ngunit binawian din ng buhay.

Isinalaysay ng ama ng biktima na hindi nagpaalam sa kaniya kung saan pupunta ang anak bago maganap ang insidente.

“Ni lamok nga, takot na takot kang madapuan sila ng lamok. Tapos ngayon malaki na sila, hindi lang lamok ang dumapo, kamatayan na. Kaya masakit din sa loob ko. Halos hindi ko rin matanggap kasi panganay ko pa,” sabi ni Edmun Gubatan, ama ng biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News