Isang bahay sa Barangay Basak Pardo sa Cebu City ang pinupuntahan ng ilang tao para makita ang imahen ng Santo Niño na lumuha umano o may likido na lumabas sa mata nito.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing si Camille Rose Carumba ang nag-post ng video sa social media na makikitang pinahiran niya ang luha ng imahen gamit ang kaniyang kamay.
Si Rowena Jose, na residente sa lugar at nakakita rin sa pagluha umano ng imahen, sinabing walang butas na maaaring pagmulan ng tubig para mapunta sa mata ng Santo Niño.
Kinilabutan naman daw si Geraldine Carumba, nang masaksihan ang pangyayari.
“Na-shock gyud ko kay first time ko nakakita og ingon ato,” ayon kay Carumba.
Iginiit din ni Camille Rose na hindi clout-chasing o makakuha ng atensyon ang pakay sa ginawa nilang pag-upload ng video matapos makatanggap ng mga negatibong komento na kumukuwestiyon sa pagluha ng Santo Niño.
Sinabi naman ni Fr. Glenn Therese Guanzon, chairman ng Commission on Worship, na kailangan munang suriin ang pangyayari bago sila maglalabas ng pahayag sa mga katulad na insidente.
“I-check pa man gud na sa Simbahan kung tinuod ba gyud kay wala man gud ta kahibawo kung tinuod ba o dili, hinimo-himo ba, o miracle ba siya. Estudyohan pa sa Simbahan kung unsa gyud ang sitwasyon so dili gyud ta modiretso og kuan such thing,” paliwanag ni Fr. Guanzon sa panayam sa telepono.-- FRJ, GMA Integrated News