Isang SUV na minamaneho umano ang isang pari ang nakabangga ng isang tricycle na may walong sakay sa Alangalang, Leyte. Tatlo sa mga biktima ang nasawi.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Cavite, nitong Linggo ng tanghali.

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa Ormoc City ang 30-anyos na pari na residente, at nakatira sa Tacloban CIty. Habang patungo naman sa Jaro ang tricycle.

Nawalan umano ng kontrol ang pari sa SUV na naging dahilan upang lumihis ito sa kabilang linya at bumangga sa tricycle.

Sugatan din ang lima pang sakay ng tricycle.

Nasa kostudiya ng pulisya ang pari na posibleng maharap sa kaukulang kaso. --FRJ, GMA Integrated News