Nasawi ang isang magsasaka at ang kaniyang alagang kalabaw nang tamaan ng kidlat sa Cabanatuan, Nueva Ecija.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, sinabing inilahad ng asawa ng biktima na nagtungo sa bukid ang kaniyang mister upang mangolekta ng mga naani nang palay.
Ayon sa pulisya, tinamaan ng kidlat ang biktima kaya siya nahulog mula sa kaniyang kariton.
Naghahatak naman noon ng kariton ang alaga niyang kalabaw.
Nakaligtas ang isa pang magsasaka na kasama ng biktima.
Samantala sa Pandag, Maguindanao del Sur, patay ang isang babae matapos ding tamaan ng kidlat.
Kritikal naman sa ospital ang kaniyang kasama.
Sinabi ng pulisya na inabutan ng malakas na ulan ang dalawang biktima na bumibiyahe noon sakay ng motorsiklo.
Dahil dito, sumilong sila sa waiting shed sa Kayaga Elementary School at doon sila tinamaan ng kidlat.
Isinugod sa ospital ng mga taga-barangay ang mga biktima ngunit hindi na umabot nang buhay ang isa sa kanila.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News