Hindi na nakarating sa trabaho ang isang lalaki matapos siyang masawi nang maaksidente sakay ng kaniyang motorsiklo dahil sa tumawid na aso sa kalsada sa Batangas City.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing papasok na sana sa pinagtatrabahuhang convenience store ang 39-anyos na lalaki nang mangyari ang sakuna sa Barangay Libjo, Batangas City.
BASAHIN: Lalaking nagbibisikleta na hinabol ng aso, nasawi matapos sumalpok sa poste
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing nawalan ng kontrol sa manibela ang rider nang mahagip niya ang tumawid ang aso hanggang sa tumilapon sa kalsada ang biktima.
"Siya po ay tumilapon kasama ang motor niya. Siya po ay naka-helmet, maayos ang pananamit, siya po ay papasok ng trabaho, so wala po siyang sign na under influence of liquor," ayon kay Police Lieutenant Sharen Ama, Chief of the Public Information Office ng Batangas Component City Police Station.
Naisugod pa sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay dahil sa matinding pinsalang tinamo sa katawan.
Hindi naman nakita ang aso sa pinangyarihan ng sakuna.
Dahil sa insidente, lalo umanong paiigtingin ng barangay ang paghuli sa mga asong gala sa kanilang lugar, kasabay na rin ng umiiral na Republic Act No. 9482, o Anti-Rabies Act of 2007, na ipinagbabawal ang mga pagala-galang aso sa kalye.--FRJ, GMA Integrated News