Nasawi ang isang lalaki na isang-taong-gulang lang nang magulungan siya ng rescue vehicle na magdadala sana ng ayuda sa Buenavista, Quezon.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahedya noong July 27 sa Barangay Sabang Piris.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, kasama ng bata ang kaniyang 15-anyos na ate may binili sa tindahan.
"'Yung victim na bata na one-year-old ay kasama ng ate niya, parang 15 years old, 'yung akay-akay niya po. Bumili siya sa isang tindahan, parang nalingat siya, tapos nabitawan niya, [then] 'yung bata tumawid," ayon kay Police Major Bryan Vicedo, hepe ng Buenavista Police Station.
Isinugod sa ospital ang bata pero idineklarang dead on arrival.
Hiniram umano ng isang non-governmental organization ang rescue vehicle mula sa lokal na pamahalaan para paglagyan ng mga relief goods.
Umano napansin ng driver ang bata.
Wala pang pahayag ang pamilya ng bata at driver sa nangyaring insidente pero nagkausap na umano ang magkabilang panig, ayon sa pulisya.--FRJ, GMA Integrated News