Patay ang isang food delivery rider na nakatayo sa tabi ng kaniyang motorsiklo nang mahagip siya ng mga nagbanggaang sasakyan sa Iligan City nitong Huwebes.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, kinilala ang nasawing biktima na si Elmer Balacy, 30-anyos, residente ng Barangay Mahayahay.

Sa video footage sa Bonifacio Avenue sa Barangay Bagong Silang dakong 1:pm, makikita na isang SUV ang bumangga sa isang kotse. Tinamaan din ang ilan pang sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada, kasama na ang nasawing biktima.

Ayon sa Traffic Division ng Iligan City Police Office, mabilis ang takbo ng SUV na minamaneho ng 48-anyos na lalaki.

Sugatan din ang 22-anyos na driver ng kotse at kasama nito, na dinala sa ospital.

Desidido ang pamilya ng mga biktima na sampahan ng kaso ang driver ng SUV na nasa kostudiya ng pulisya.-- FRJ, GMA integrated News