Nasawi at naputulan pa ng mga paa ang mag-asawang nagtitinda ng prutas matapos salpukin ng isang SUV ang sinasakyan nilang tricycle sa Sta. Barbara, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang mga biktima na sina Salvador at Barbara Martinez, parehong 58-anyos, at residente ng Barangay Patayac.

Sa kuha ng CCTV camera sa national highway sa bahagi ng Barangay Maronong nitong madaling araw ng July 22, makikita ang tricycle o garong ng mag-asawa na nasa tamang linya ng kalsada nang salpukin sila ng SUV.

Ayon sa pulisya, 21-anyos na estudyante ang nagmamaneho ng SUV, na nag-overtake umano sa isang sasakyan kaya napunta sa linya ng mga biktima.

"Umagaw ng linya [at] nag-overtake kaya nabangga niya ang tricycle [o garong]... nag-twist ang tricycle at naibangga pa sa pader," ayon kay Police Lieutenant Colonel Jun Wacnag, hepe ng Sta. Barbara Police Station.

Sa lakas ng pagkakabangga, naputol pa ang mga paa ng mga biktima. Wasak ang unang bahagi ng SUC at nabasag din ang windshield.

Hustisya ang panawagan ng mga anak ng mag-asawa.

Sinampahan na ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide laban sa driver ng SUV, na handa umanong makipag-usap sa pamilya ng mga biktima.--FRJ, GMA Integrated News