Patay ang isang babae na 16-anyos matapos umanong sakalin at saksakin umano ng kaniyang sariling ama sa kanilang bahay sa Tuguegarao City, Cagayan. Ang ina ng biktima, nagtatrabaho sa ibang bansa.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Carig Norte, noong gabi ng July 24.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi umano ng mga kamag-anak at mga kapitbahay na nadinig nila ang mainit na pagtatalo ng mag-ama.

Sinubukan umano ng mga kaanak na mamagitan pero wala silang nagawa hanggang sa mangyari na ang pananakal at pagsaksak umano ng 34-anyos na ama sa biktima.

Hinahanap na ng mga awtoridad ang tumakas na suspek.

Nakatakda namang umuwi sa Pilipinas ang ina ng dalagita na napag-alaman nagtatrabaho sa ibang bansa. --FRJ, GMA Integrated News