Nasawi ang isang padre de pamilya na nagtitinda ng goto sa kasagsagan ng hagupit ng Habagat at bagyong Carina nang magbagsakan siya ng puno sa Nasugbu, Batangas.
Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahediya noon gabi ng Martes sa panulukan ng Barangay Poblacion 3.
Ayon sa saksi na si Reynaldo Baran, nakasubsob ang katawan ng biktima na si "Virgilio," 46-anyos, sa pagitan ng sidecar at motosiklo na gamit nito sa pagtitinda.
Hindi makapaniwala ang asawa ni Virgilio na si Tina sa sinapit ng kaniyang mister, na inilarawan niyang masipag, maaalalahanin at tanging inaasahan nila sa pamilya.
Sinabihan daw niya ang mister nang araw na iyon na huwag nang magtinda dahil masama ang panahon.
"Ang lakas kako [ng ulan] pero sabi niya, 'hindi mamaya pagtila ako'y aalis na,'" saad ni Tina.
Pipilitin umano ng ginang na maging matatag para sa isa nilang anak na nag-aaral pa. Umaapela rin siya ng tulong para sa kaniyang pamilya lalo pa't mag-aaral na sa kolehiyo ang kanilang anak.
"Ako naman po'y hindi na talaga makapagtustos ng paghahanap-buhay dahil ako'y meron na ring karamdaman," ayon sa ginang.--FRJ, GMA Integrated News