Duguan at patay na nang makita ang katawan ng isang 14-anyos na babae sa loob ng kaniyang bahay sa Zamboanga City. Ang biktima, nagtamo ng mga saksak na pinaniniwalaang mula sa gunting.

Sa ulat ni Efren Yunting Mamac sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Cacao, at lumalabas na kapitbahay ng biktima ang suspek.

Ayon sa pulisya, nagtamo ng saksak ang biktima sa leeg at dibdib, at may mga palatandaan na nanlaban ito sa suspek.

Kuwento ng lola ng biktima, umalis siya ng bahay at inaya niya ang apo na sumama pero tumanggi ito at nagpaiwan na lang sa bahay.

Nang umuwi na ang lola, nakita niya ang apo na nakahandusay na sa sahig ng kanilang bahay kaya kaagad siyang humingi ng saklolo sa mga awtoridad.

Sa follow-up operation ng mga pulis, inaresto ang isang 32-anyos na lalaki na kapitbahay ng biktima.

Base sa pahayag umano ng saksi, nakita ang suspek na lumabas mula sa bahay ng biktima.

“The SOCO was able to recover dalawang scissors, isang axe doon sa area. Immediately I ordered for the operation on the ground. We have already suspect on custody, we are processing him now,” sabi ni Zamboanga City Police Office (ZCPO) OIC Director, Kimberly Molitas.

Hinala ng kaanak ng biktima, pinagtangkaan ng suspek na pagsamantalahan ang biktima.

Ayon kay Molitas, wala namang nakitang indikasyon na naabuso o ginahasa ang dalagita.

Sinusubukan pa ng GMA Regional TV One Mindanao na makuhanan ng pahayag ang suspek, ayon sa ulat.-- FRJ, GMA Integrated News