Humingi ng paumanhin ang babaeng pasahero sa ginawa niyang post sa social media na ikinuwento niya ang pagtalon niya palabas mula sa sinasakyang taxi sa Talisay City, Cebu. Tinakasan daw niya ang driver matapos mangamba sa kaniyang kaligtasan nang dumaan ang taxi sa ibang ruta.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Bisdak" nitong Huwebes, sinabing ipinatawag sa City of Talisay Traffic Operations and Development Authority (CT-TODA), ang 54-anyos na pasahero, pati na ang driver at may-ari ng taxi, matapos na mag-viral ang post.
Nagreklamo ang may-ari ng taxi na makakaapekto sa kanilang kompanya at kanilang mga taxi driver ang post dahil tinukoy ang kanilang kompanya.
Itinanggi rin ng driver ang "hinala" ng kaniyang pasahero na may masama siyang balak dito.
Ayon sa pasahero, nagduda siya nang hindi sundin ng driver ng taxi ang ruta na nakalagay sa navigation map application.
Madilim din umano ang lugar na kanilang dinaanan kaya nagpasya siyang tumalon palabas mula sa taxi at lumayo.
Pero paliwanag ng driver, iba ang daan na kaniyang dinaanan dahil pansamantalang isinara ang main road para gamitin sa isang pagtitipon.
Paliwanag pa ng driver, kung may masama siyang balak sa pasahero, dapat ay ini-lock niya ang mga pintuan ng taxi.
Hindi na rin umano niya hinabol ang pasahero kahit hindi pa ito nagbabayad.
Matapos ang paliwanagan, humingi ng paumanhin ang pasahero sa driver at may-ari ng taxi dahil sa ginawang pag-post at pagtukoy sa taxi.
Inalis na rin niya ang kaniyang viral post at pinalitan ng public apology.
Naniniwala naman si CT-TODA Chief Jonathan Tumulak, na misunderstanding lang ang nangyari sa pasahero at sa taxi driver.-- FRJ, GMA Integrated News