Dalawang pulis ang sugatan matapos silang barilin ng isang lalaki na nagtungo sa municipal police station ng Javier, Leyte para umano sumuko. Ang suspek, napatay din ng isa pang pulis.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, sinabing nangyari ang insidente sa loob ng police station noong Lunes ng tanghali.
Batay sa imbestigasyon, lumitaw na nagpunta sa himpilan ng pulisya ang suspek para sumuko matapos umano niyang malaman na mayroon na siyang arrest warrant para sa kasong frustrated murder.
Pero habang nasa loob ng himpilan ng pulisya, nang-agaw ito ng baril ng isa sa mga pulis, at pinaputukan ang mga pulis sa loob at dalawa ang tinamaan.
Nakaganti naman ng putok ang isa pang pulis at tinamaan niya ang suspek na kinalaunan ay binawian ng buhay.
Bukod sa dalawang pulis na tinamaan ng bala, isa pang pulis ang nasaktan sa naturang insidente.
Nitong Martes, binisita ni Police Regional Office 8 Regional Director, Police Brigadier General Reynaldo Pawid ang mga sugatang pulis na patuloy na nagpapagaling sa ospital.
Sa isang pahayag, iniutos naman ni Police Colonel Dionisio Apas Jr., Officer-in-Charge, Leyte Police Provincial Office, ang masusing imbestigasyon sa nangyaring insidente upang hindi na maulit muli.-- FRJ, GMA Integrated News