Tinakbuhan ng isang rider ang nasagi niyang motorsiklo na sumemplang sa Lapu-Lapu City, Cebu. Ang police mobile na malapit lang pinangyarihan ng insidente, pinuna dahil 'di hinabol ang rider na nakadisgrasya na walang suot na helmet ang angkas.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Miyerkules, makikita sa CCTV footage ng Barangay Basak Command Center, na sakay ng kaniyang motorsiklo ang 42-anyos na biktimang si Jundre Santillan, habang binabagtas ang M. L. Quezon Highway.
Bahagyang nasa unahan naman niya ang isang Mobile Patrol Unit, nang biglang dumating isang pang motorsiklo na mabilis ang arangkada na galing sa kanilang likuran.
Nasagi ng motorsiklo ng suspek ang motorsiklo ng biktima na dahilan para matumba ang huli. Pero nagtuloy-tuloy lang ang nakasaging motorsiklo na tila walang nangyari.
Sandali namang tumigil ang police mobile at itinuro ni Santillan ang motorsiklo na nakasagi sa kaniya.
Pero hindi na umano hinabol ng mga pulis ang nakadisgrasyang motorsiklo.
Sa CCTV footage, nakita na tila babae ang angkas ng nakadisgrasyang motorsiklo at wala itong suot na helmet.
Nagtamo ng mga galos si Santillan pero mas iniinda niya ang sakit na hindi tumigil ang rider na nakasagi sa kaniya, at ang hindi pa hinabol ng mga pulis sa suspek.
Ayon kay Police Colonel Ali Abendan Baron, City Director ng Lapu-Lapu City Police, iniimbestigahan na nila ang insidente, at inaalam na ang pagkakakilanlan ng nakadisgrasyang rider.--FRJ, GMA Integrated News