Apat ang nasawi--kabilang ang isang buntis--sa nangyaring pagguho ng lupa sa Agoncillo, Batangas sa harap ng nararanasang pag-ulan sa iba't ibang bahagi ng Luzon.

Sa Facebook post ng lokal na pamahalaan ng Agoncillo nitong Miyerkules, sinabing anim na buwang buntis ang isa sa mga nasawi.

"Ang mga biktima ay miyembro ng Pamilya Rimas, Isang anim na buwan buntis na may edad na 28, at tatlong menor de edad na may edad na 9, 13 at 15," ayon sa Agoncillo-LGU.

Nangyari umano ang insidente sa Sitio Manalo sa Barangay Subic Ilaya. Nakuha na rin ang mga labi ng mga biktima.

 

 

"Patuloy ang pagpapalikas ng ating Lokal na Pamahalaan sa mga kababayan natin na naroon sa nasabing lugar," dagdag nito.

Batay sa police report mula sa Police Regional Office 4A, nasa kanilang bahay na gawa sa kawayan at kahoy ang mga biktima nang maganap ang pagguho ng lupa.

Bagaman nitong Miyerkules ng madaling araw napansin ng mga kapitbahay ang gumuhong lupa, sinabi ng pulisya na gabi noong Martes nangyari ang insidente.

Patuloy na nagbubuhos ng ulan sa Luzon ang habagat at bagyong Carina. Kabilang sa matinding naapektuhan ang Metro Manila na isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding pagbaha.—FRJ, GMA Integrated News