LUCENA CITY, Quezon - Isang chop-chop na katawan ng babae at isa pang bangkay ang nadiskubre ng mga awtoridad sa ilalim ng silong ng isang bahay sa Barangay 5 sa Lucena City, Quezon nitong Lunes.

Base sa report ng Lucena City Police Station, kinilala ang chop-chop na biktima na si Ronalyn Alvarez, 28-anyos na kinakasama ng suspek na si Ryan.

Noong June 30 daw ay nag-away si Ryan at Ronalyn hanggang sa mapatay ni Ryan ang live-in partner sa pananaksak gamit ang ice pick.

Upang maitago ang krimen ay chinop-chop ni Ryan ang katawan ni Ronalyn, inilagay ito sa mga sako at ibinaon sa silong ng kanilang barong-barong.

Habang ikinukumpisal ng suspek sa mga pulis ang nagawa niyang krimen ay inamin din nito na isang babae na nagngangalang Analyn ang kanilang pinaslang ni Ronalyn noong March 2023.

Inilagay daw sa drum ang bangkay ng babae at ibinaon din sa silong ng bahay saka sinemento.

Nadiskubre ang mga bangkay matapos itong ituro ng suspek sa mga awtoridad.

Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya. —KG, GMA Integrated News