Nahuli-cam ang magkahiwalay na insidente ng banggaan ng mga motorsiklo sa Cebu. Ang isa, bumangga sa motorsiklong nasa kaniyang unahan na biglang nagpreno.

Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Huwebes, makikita na umangat at halos sumirko ang isang motorsiklo nang sumalpok sa motorsiklo na nasa kanilang unahan na biglang nagpreno sa Talisay City, Cebu.

Bumagsak mula sa bumanggang motorsiklo ang rider at kaniyang angkas, na kaagad din namang nakatayo.

Lumabas sa imbestigasyon ng awtoridad na nagbagal na ng takbo ang nasa unahang motorsiklo dahil papalapit na ito sa stoplight.

Samantala sa Talisay City pa rin, isang motorsiklo na papasok naman sa gasolinahan ang nasalpok din ng isa pang motorsiklo.

Bumagsak mula sa motorsiklong nakabangga ang rider at kaniyang angkas, pati ang angkas ng nabanggang motorsiklo.

Nagka-areglo ang dalawang rider at hindi na nagsampa ng reklamo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News