Patay ang isang babae na dating overseas Filipino workers (OFW) matapos siyang barilin nang malapitan sa batok ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa Lobo, Batangas.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkules, sinabing sakay ng tricycle ang 53-anyos na ina, kasama ang kaniyang 82-anyos na ina nang nangyari ang krimen nitong tanghali ng Lunes.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na sana ang mag-ina sa Barangay Balatbat mula sa isang klinika sa Barangay Poblacion, nang barilin ng salarin na nakasakay sa motorsiklo ang biktima.

Namatay dahil sa tinamong isang tama ng bala sa batok ang biktima, habang ligtas naman ang kaniyang ina.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga nakatakas na salarin.

Sinisikap pang makuhanan ang pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News