Nasagip ang isang Asian palm civet o musang nang mahulog at ma-trap sa isang hukay sa Basud, Camarines Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing mailap ang naturang musang kaya pahirapan ang pagsagip dito.
Iniwasan din ng mga awtoridad na masaktan o may makagat ang musang.
Ayon sa kanila, nasa dalawa hanggang tatlong taong gulang ang naturang hayop, na nasa mabuti na ngayong kondisyon.
Nagpaalala silang agad mag-ulat sa mga awtoridad sakaling makakita ng musang at iba pang wildlife species, lalo’t ipinagbabawal ang paghuli o pag-aalaga sa mga ito.
Nakatakdang pakawalan ang musang sa Bicol Natural Park. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News