Binaril at napatay sa gilid ng kalsada ang isang 12-anyos na lalaki sa Bacolod City. Ang pulisya, inaalam kung may kinalaman sa krimen ang pagkakadawit ng biktima sa naunang kaso ng pagdukot sa isang babae na limang-taong-gulang.

Sa ulat ni Adrian Prietos ng GMA Regional TV sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nangyari ang pamamaril noong Sabado ng madaling araw habang naghahanda na ang biktima para matulog sa gilid ng kalsada.

May hawak na ang pulisya ng CCTV footage sa nangyaring pamamaril pero hindi muna ito isinapublko habang patuloy ang imbestigasyon.

Ayon sa isang saksi, namataan pa niya ang suspek na sakay ng isang motorsiklong nakaparada sa kanto bago ang pamamaril sa biktima.

Inaalam ng pulisya kung may kinalaman sa krimen ang nangyaring pagdukot sa isang batang babae na idineklarang nawawala noong July 1, at nakita kinabukasan July 2.

Kasama umano ang biktimang binaril sa mga nakita na huling nakitang kasama batang babae bago nawala.

Nakasuhan ng rape ang mga matatandang sangkot sa nangyari sa batang babae habang isinailalim sa kostudiya ng Social Welfare Department ang 12-anyos na biktima.

Pero nang makita na ang batang babae, nakalabas na rin ang 12-anyos na lalaki at bumalik sa kalsada hanggang mangyari na ang pagbaril sa kaniya.

“May instances na ang bata ang inuutusan sa illegal activity ng mga legal aged na sinampahan ng adbuction doon. So 'yan ang anggulo na ating tinitingnan,” ayon kay Police Major Elmer Bonilla, hepe ng Hiligaynon Police Station 1.

Sinikap na makunan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News