Walang maisip ang mga magulang ng estudyanteng nakita ang sunog na bangkay sa Bacnotan, La Union sa anumang posibleng dahilan para brutal na patayin ang nag-iisa nilang anak na inilarawan nilang mabait at masayahin.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel-Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing July 2 nang makita sa bakanteng lote malapit sa kalsada ang bangkay ni Mark Dave Valdez, mula sa Pozorrubio, Pangasinan, at estudyante sa Baguio City.
May mga saksak ng icepick si Mark, pinalo sa ulo at sinunog.
Isang driver na iihi sa lugar ang nakadiskubre sa bangkay ng biktima.
Hindi makapaniwala ang mga magulang ni Mark sa kaniyang sinapit na lagi umanong masaya kapag kasama nila tuwing umuuwi.
"Hindi ko matanggap ang sinapit ng anak ko, ang bait-bait ng anak ko ginanon lang siya," umiiyak na pahayag ng ina ng biktima na si Emidy.
"Nag-iisa po ang anak ko kaya hindi ko matanggap ang ginawa nila," emosyon na pahayag din ng amang si Alfonso.
May tatlong anggulo na tinitingnan ang pulisya sa kaso pero tumanggi silang idetalye ito habang patuloy ang imbestigasyon.
Malaki rin umano ang maitutulong ng Global Positioning System (GPS) tracker sa kotse na sinakyan ng biktima nang bumiyahe patungong La Union.
Sinusuri na rin ng pulisya ang ilang closed circuit television (CCTV) footage.
"Ngayon, ang ginagawa ng ating Chief of Police at ng mga imbestigador natin ay tina-track na nila ang hinintuan at pinuntahan ng sasakyan," sabi ni Police Lieutenant Colonel Jake Isidro, Public Information Officer (PIO) of La Union Police Provincial Office (PPO).
Inaalam din kung may kasama si Mark sa sasakyan sa kaniyang pagbiyahe papunta sa La Union.--FRJ, GMA Integrated News