Nabulaga ang isang truck driver na iihi nang makita niya ang isang sunog na bangkay, ilang metro lang ang layo mula sa kalsada sa Bacnotan, La Union.
Sa ulat ni Jasmin Gabriel Galban ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing ang biktima ay isang 21-anyos na lalaki na mula sa Pozorrubio, Pangasinan, at estudyante sa Baguio City.
Base imbestigasyon ng pulisya, nagpaalam umano ang biktima sa kaniyang pamilya noong July 1 na aakyat sa Baguio.
Kinabukasan ng umaga, July 2, isang truck driver ang iihi sana sa lugar sa Barangay Quirino sa Bacnotan, ang nakakita sa bangkay at ipinagbigay-alam niya sa mga awtoridad.
Lumilitaw sa paunang imbestigasyon ng pulisya na pinalo sa ulo ang biktima at may sugat sa kanang hita na palatandaan ng saksak ng ice pick.
Hindi rin matiyak kung patay o buhay pa nang sunugin ang biktima.
Inaalam din kung bakit siya napunta sa Bacnotan.
“We are encouraging the parents na mag-conduct ng autopsy kasi para malaman natin ang cause of death ng victim,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Jake Isidro, La Union Provincial Police Office PIO.
Mayroon na umanong person of interest ang pulisya sa nangyaring krimen, at posibleng motibo pero hindi muna ito inihayag sa publiko ni Isidro habang patuloy pa ang imbestigasyon.--FRJ, GMA Integrated News