Sa kulungan ang bagsak ng isang habal-habal driver matapos niyang bastusin umano ang isang tindera sa Cebu City.

Sa ulat ni Allan Domingo ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Balitanghali nitong Huwebes, sinabing dumepensa ang suspek na biro o nagpapatawa lamang siya sa biktima.

Umamin siyang nasabi niya sa dalaga na ang mismong babae na lang ang kaniyang “bibilhin,” sa halip ang itinitinda nitong ulam.

Humingi na siya ng paumanhin sa biktima.

Hindi nagbigay ng pahayag ang dalaga, ngunit desidido siyang magsampa ng reklamong paglabag sa Republic Act 11313 o Safe Spaces Act. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News