Nasawi ang isang lalaki nang barilin siya ng dati niyang katrabaho dahil umano sa selos sa Obando, Bulacan.

Sa ulat ng GMA Regional TV sa Balitanghali nitong Martes, kinilala ang biktimang si Paul Meneses, na kumakain sa isang karinderiya nang mangyari ang insidente, ayon sa mga awtoridad.

Itinuturong suspek sa krimen ang dati niyang kasamahan sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan.

Nakikita ng PNP ang matinding selos na motibo sa krimen, dahil may hinala umano ang suspek na may relasyon ang kaniyang misis sa biktima.

Ayon naman sa kapatid ng biktima, may natatanggap nang mga banta ang biktima mula sa suspek bago pa ang pamamaril.

Nadakip ang suspek at isa pa niyang kasamahan sa Caloocan. Nakabilanggo na sila sa Obando detention facility. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News