Natagpuang patay sa kalsada ang isang 44-anyos na lalaking public school teacher sa Urbiztondo, Pangasinan. Unang inakalang naaksidente ang biktima pero natuklasan kinalaunan na pinagpapalo siya ng bato sa ulo at mukha. Ang suspek sa krimen, isang lalaki na 18-anyos.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing nilagyan ng bonnet ang mga labi ng biktima para matakpan ang mga malalaking sugat na kaniyang tinamo.
"Grabe ang ginawa sa kaniya. Nabasag ang ulo, pati dito pa, nabugbog sa mukha, talagang itim ang mukha niya," ayon sa kaanak ng biktima.
Inakala noong una na naaksidente ang biktima sa Barangay Malayo nang makita ang katawan nito sa kalsada. Pero sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alaman nila mula sa mga saksi na nakipagkita ang guro sa isang lalaki bago mangyari ang krimen.
Itinuturing suspek ang naturang lalaki na 18-anyos.
"Bale may kasama siya, nakaipag-inuman hanggang sa nagkaroon kami ng follow-up, na-identify naman sila at nagbigay ng kaukulang salaysay… lumabas na ganoon ang nangyari," ayon kay Police Major Rommel Sembrano, hepe ng Urbiztondo Police Station.
Hustisya naman ang panawagan ng mga kaanak ng guro.
"Kumbaga matagal kaming hindi nagkikita-kita siyempre malalayo kami sa isat-isa. Tapos mababalitaan namin...Hindi bale kung namatay siya sa sakit, [pero] hindi [sa] brutal eh," ayon sa kapatid. -- FRJ, GMA Integrated News