Patay ang isang lalaki, habang sugatan ang kaniyang kapatid matapos silang saksakin ng suspek na kanilang nakasalubong sa kalsada at nasilaw umano sa ilaw ng sinasakyan nilang tricycle sa Batangas.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Poctol nitong Miyerkules ng gabi.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ng tricycle ang magkapatid na edad 37 at 38, habang sakay naman ng motorsiklo ang suspek.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang suspek at mga biktima dahil sa liwanag ng kanilang mga ilaw na dahilan ng kanilang pagkakasilaw.

"Pareho silang naka-high beam kaya pareho silang nasilaw. Eh meron kumbaga nakainom silang pareho galing sa mga inuman. Nagkaroon ng confrontation, dahil may mga inom, nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa itong si suspect 1 ay sinaksak itong si victim 1," ayon kay Police Major Erickson Go, Deputy Chief ng San Juan Police Station.

Tinangka umano ng kapatid ng nasawi na umawat pero siya man ay sinaksak din sa tagiliran.

Dinala ang magkapatid sa ospital pero nasawi ang isa, habang patuloy na nagpapagaling ang isa.

Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima, ayon sa ulat.

Patuloy naman pinaghahanap ng pulisya ang suspek at kasama nito. --FRJ,GMA Integrated News