Sugatan ang isang babae at isang pulis sa nangyaring hostage-taking sa Cagayan de Oro. Ang suspek, naaresto.
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkules, makikita sa video na kuha ng netizen na hawak ng suspek na si alyas "John," ang isang babae habang nasa gilid ng daan sa Barangay Carmen.
Hindi umano kilala ng biktima ang suspek na may hawak na gunting na bigla na lang pumasok sa bahay ng biktima, ayon kay Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) Spokesperson Lieutenant Colonel Evan Viñas.
Sa negosasyon, humingi ng sasakyan ang suspek para makapunta umano siya sa Baroy, Lanao del Norte.
Nakumbinsi ng mga pulis ang suspek na sumakay sa patrol mobile habang hawak pa rin niya ang bihag na babae.
Pero nagsimula umanong maging marahas ang suspek at nagbantang sasaktan ang biktima nang mapansin niya na napapalibutan ng mga pulis ang patrol car.
Nang makakuha ng pagkakataon, sinunggaban na ng mga pulis ang suspek. Nailigtas ang babae pero nagtamo siya ng mga sugat sa katawan, maging ang isang pulis.
Napag-alaman ng awtoridad na naglakad lang para nakarating sa Cagayan de Oro ang suspek na nagmula sa Baroy, Lanao del Norte.
Hindi pinayagan ng mga awtoridad na makausap ang suspek dahil nananatili pa rin siyang maligalig at may pagkakataon na sinasaktan ang sarili.
Sasampahan siya ng reklamong frustrated murder at isasailalim sa psychiatric examination.-- FRJ, GMA Integrated News