Ilang bloke ng shabu na nakaselyo sa plastic at nasa loob ng sako ang nakitang palutang-lutang sa dagat ng ilang mangingisda sa Ilocos Norte. Ang halaga ng ilegal na droga, tinatayang aabot sa P160 milyon.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, inihayag ng mga mangingisda na pauwi na sila nang mamataan nila ang lumulutang na sako sa karagatang sakop ng Badoc, Ilocos Norte.
Nang buksan nila ang sako, tumambad ang 24 na bloke na nakaselyo sa plastic at nakalagay sa paketa ng Chinese tea.
Ayon sa mga mangingisda, inakala nilang pera ang laman ng bloke kaya binuksan nila ito at doon nakita ang crystal substance.
Iniuwi nila sa bayan ng San Juan ang kanilang "nabingwit" sa dagat at ipinagbigay-alam sa mga awtoridad. Nang suriin, nakumpirma na shabu ang laban ng mga pakete.
Mayroong mga Chinese marking ang pakete na inaalam na ang ibig sabihin.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman kung saan nanggaling ang mga ilegal na droga.--FRJ, GMA Integrated News