Timbog ang tatlong lalaki matapos nilang tangayin ang isang closed van ng isang trucking company sa Imus, Cavite. Ang mga laman nitong tsitsirya, ibinenta nila sa halagang P80,000.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood sa CCTV na paalis ng garahe ang isang closed van pasado 3 a.m. noong Linggo.
Lumabas sa imbestigasyon na minaneho ito ng isang dating empleyado ng kumpanya.
Kasabwat ng lalaki at nagsilbing lookout ang isa pang empleyado, at isa pa nilang kaibigan.
Nadiskubre na lamang ng kumpanya na na-carnap na ang kanilang truck kinaumagahan ng Lunes.
Natunton ang closed van sa tulong ng GPS, na inabandona sa Carmona, Cavite.
Sinabi ng pulisya na hindi puntirya ng mga suspek ang sasakyan, kundi ang lamang items nito, na kanilang ibinenta.
Aabot sa P160,000 ang halaga ng tsitsiryang laman ng closed van, ngunit ibinenta ito ng tatlong suspek nang bagsak-presyo sa halagang P80,000.
Nadakip ang isa sa mga suspek sa follow-up operation ng pulisya, na kasalukuyang trabahador na nasa barracks pa ng kumpanya. Timbog din kalaunan ang dalawang iba pa.
Nahaharap sa reklamong carnapping at qualified theft ang mga suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News