Isa ang patay at apat ang sugatan matapos banggain ng isang SUV ang isang motorsiklo at isang tricycle sa Mabini, Batangas. Ang paliwanag umano ng driver ng SUV sa pulisya, nakatulog siya habang nagmamaneho dahil napuyat sa pagluluto sa kasal ng kamag-anak.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidenteng nahuli-cam sa Barangay Pulong Niogan.
Sa kuha ng closed circuit television (CCTV) footage, makikita na biglang lumiko ang isang puting van na nasa tamang linya ng kalsada para iwasan ang makakasalubong na SUV.
Pero ang motorsiklo na nakasunod sa van, natumbok ng SUV na dahilan ng pagkasawi ng rider nito.
Bago mabangga ang motorsiklo, una nang nahagip ng SUV ang tagiliran ng isang tricycle.
Inamin umano ng driver ng SUV na nakatulog siya habang nagmamaneho kaya napunta sa kabilang bahagi ng linya ng kalsada.
"Sa admission nitong ating suspek, siya ay nakatulog nu’ng siya ay nagmamaneho. May kasal ng kamag-anak nila, magdamag daw siyang nagluto. Sa madaling sabi, puyat itong ating suspek habang siya ay nagmamaneho," ayon kay Police Majoy Arwin Baby Caimbon, hepe ng Mabini Police Station.
"Noong mabangga niya ‘yung tricycle doon siya nagkaroon ng ulirat. Kaso huli na nu’ng mabangga niya ‘yung motorsiklo," patuloy ni Caimbon.
Nasa maayos na kalagayan na umano ang apat na sakay ng tricycle, kabilang ang driver nito na nasaktan.
Mahaharrap naman sa patong-patong na reklamo ang driver ng SUV.--FRJ, GMA Integrated News