Anim na sakay ng isang tricycle, kabilang ang tatlong menor de edad, ang nasawi nang makabanggaan nila ang isang elf truck sa General Santos City noong Linggo.
Sa ulat ni Jestoni Jumamil sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing apat na biktima rin ang sugatan sa nangyaring sakuna.
Sa lakas ng banggaan, naipit sa tricycle ang ilang biktima at hindi naging madali ang pagkuha sa kanila.
Lima sa mga biktima, kabilang ang tricycle driver, ang kaagad nasawi sa pinangyarihan ng aksidente.
Habang hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isa pang biktima na anim na taong gulang.
Kabilang sa mga nasawi ang sanggol na isang-taong-gulang, at isang lalaki na 11-anyos.
Apat na babae na edad pito, walo, 12, at 13 ang sugatan at dinala sa ospital.
Napag-alaman na galing sa resort at pauwi na ang mga biktima nang mangyari ang trahediya. Sinabihan pa umano ng mga kaanak ng mga biktima ang driver ng tricycle na maging maingat dahil mga bata ang pasahero niya.
Paliwanag naman ng driver ng truck, mabagal lang ang takbo niya at ang tricycle ang nawalan ng kontrol at napunta sa kaniyang linya kaya nangyari ang banggaan.
“Hinay kaayo akong dagan mga 40, unya naa man ang motor (tricycle) puno man gud ang tricycle unya pag kuan niya na out of control sya, pag kurbada niya na out of control siya na-alsa iyang sidewheel nasulod siya sa among linya, mao tong sya ang nagbangga sa amoa,” paliwanag ng truck driver.
Dinala ang truck driver sa kostudiya ng Traffic Enforcement Unit ang driver ng truck.--FRJ, GMA Integrated News