Huli sa entrapment operation ang isang lalaki na nagpapanggap umanong abogado at nangmolestiya ng isang babae na 10-taong-gulang lang. Ang ina ng biktima, hindi nakapagpigil nang makita ang suspek.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita sa video na hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin ng mga pulis habang sakay ng motorsiklo sa Antipolo City, Rizal.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo Police, ang pamilya ng biktima ang nag-setup sa suspek at gumabay lang ang pulisya sa gagawing pagkikita.
Nang positibong makilala ang suspek, agad na siyang sinunggaban ng mga awtoridad.
Nang makita naman ng ina ng biktima ang suspek sa himpilan ng pulisya, hindi ito nakapagpigil at sinugod at sinampal ang lalaki.
Ayon sa pulisya, 2022 nang nakilala ng ginang ang suspek na nagpanggap umanong abogado.
Nagtatrabaho umano bilang clerk sa isang law firm ang suspek pero hindi abogado.
May pagkakataon umano na pumupunta ang suspek sa bahay ang biktima at doon ginagawan ng kahalayan ang menor de edad.
Itinanggi naman ng suspek ang paratang laban sa kaniya. Pero inamin umano nito na kinakaharap siyang kaso ng pagpatay.
Kaya naman patong-patong na kaso ang kakaharapin pa suspek.--FRJ, GMA Integrated News